Napigilan ng mga residente ang tangkang demolisyon ng Bases and Conversion Development Authority (BCDA) sa bahay ng magsasakang si Alfredo Cortez, 75, sa Sityo Mainang, Barangay San Nicolas, Bamban, Tarlac noong Nobyembre 5. Nagtipon sa naturang bahay ang pamilya, magkakapit-bahay at mga kaalyadong organisasyon para pigilan ang demolisyon at subaybayan ang mga pangyayari.
Noong Oktubre 12, pinadalhan ng BCDA ang pamilya ng abiso ng demolisyon at binigyan ng ultimatum. Ilang araw bago ang ultimatum, naglabas-masok sa komunidad ang mga tauhan ng isang kumpanya sa konstruksyon at ng Urduja Security na magsasagawa ng demolisyon.
Mula pa 1975 nakatira sa naturang lupa ang pamilya at nagtatanim ng mga bungang-kahoy. Ang Sityo Mainang ay isang bulubunduking komunidad ng mga magsasaka at Ayta na binubuo ng mga lumikas mula sa pagsabog ng Mt. Pinatubo.
Ang tangkang demolisyon ay pinakahuli lamang sa mga kaso ng demolisyon ng BCDA sa Sityo Mainang mula 2017. Lumala ang tunggalian at sigalot sa lupa sa sityo noong 2023. Nakaranas ng panghaharas ang mga komunidad para magbigay-daan sa 65 na ektaryang housing project para sa Philippine Air Force na iginawad sa RD Policarpio and Co. Inc.
Nong Agosto 2025, tatlong bahay ang tinangkang gibain at isang residente ang inatake sa puso dahil sa stress ng pagpapalayas. Dahil dito, pansamantalang ipinagpaliban ang demolisyon ng mga kabahayan.
Ang pagpapalayas sa Sityo Mainang ay bahagi ng mas malawak na pangangamkam ng mga lupain sa Tarlac para sa mga military reservation, economic zone, proyektong pang-enerhiya, at iba pang imprastrukturang nagsisilbi sa interes ng dayuhan at malalaking negosyo. Malaki ang hinala ng mga residente na bahagi ito ng itatayong economic security zone o Pax Silica hub sa Tarlac at ng buong Luzon Economic Corridor na itinutulak ng imperyalismong US.
Nagpahayag ng mahigpit na suporta sa mga residente ang Tanggol Ayta at Residente para sa Lupa at Kabuhayan (TARLAK), isang alyansa ng mga komunidad na Ayta, mga magsasaka, estudyante, at mga pinuno ng simbahan at barangay. Nagkakaisa sila para ipagtanggol ang kanilang lupa, kabuhayan, at ang kanilang karapatan sa sariling pagpapasya sa mga desisyong nakakaapekto sa kanilang kinabukasan. Upisyal na inilunsad ang grupo noong Nobyembre 3.
Anila, ang pagbigo sa tangkang demolisyon ay isang paunang tagumpay na bunga ng lakas ng pakikibaka ng komunidad. “Patuloy na lumalaban ang mga residente ng Sityo Mainang laban sa pagpapalayas ng BCDA at iba pang mga proyektong nakakaapekto sa tirahan at kabuhayan ng komunidad, kabilang narin dito ang binabalak na proyektong Pax Silica,” pahayag ng TARLAK.
The post Tangkang demolisyon ng BCDA sa bahay ng magsasaka sa Tarlac, hinarang ng mga residente appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.
rss@news.abolish.capital [bot]